Natagpuan ang isang-buwang-gulang na sanggol sa imburnal matapos iniwan ng kaniyang ina na nagtitinda raw ng sampaguita sa Calamba, Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakita ng residenteng si Jefferson Nazareno ang sanggol pasado 4 p.m. nitong Huwebes sa Barangay Parian.
Nasa ibabaw ng balabal at karton ang sanggol habang mag-isa sa drainage.
"Napadaan po ako roon sa may tulay, may nakita po akong bata sa imburnal, pero hindi pa ako talaga panatag sa sarili kung bata nga 'yon. Binalikan ko pa, tiningnan ko pa uli, bata nga, saka ko lang piniktyuran," sabi ni Nazareno.
"[Naramdaman ko rin] 'yung awa sa bata roon sa sitwasyon niya, dahil baka madala ng tubig o madala sa pampang," dagdag ni Nazareno.
Agad namang nakita ng Calamba-LGU ang nagba-viral nang post ng netizen kaya pinuntahan ng mga tauhan ng Calamba Public Order and Safety Office ang lugar.
At nang mag-inspeksiyon, nakita nila ang ilan pang bata at indibidwal na sumisilong sa ilalim ng tulay, at sinagip ang mga ito.
Kalaunan, nahanap din ng mga awtoridad ang mismong ina ng sanggol, na umalis para magbenta ng sampaguita sa hindi kalayuan.
Inihabilin ng Calamba POSO sa DSWD ang sanggol at ang ina para ma-check up at maalagaan.
Binigyan din ng Calamba Police ng pagkain at face mask ang mag-ina at iba pang nasagip sa isinagawang rescue operation.
Muli ring ipasasara ang ilalim ng tulay para hindi puntahan ng mga tao.--Jamil Santos/FRJ, GMA News