Nakahuli ang mga mangingisda ng isang higanteng blue marlin sa Lamon Bay sa lalawigan ng Quezon noong Sabado ng hapon.

Aabot sa 15 talampakan ang haba ng isda at may timbang ito na mahigit sa 100 kilo.

Nahuli ang blue marlin sa karagatan ng Barangay Matinik sa bayan ng Lopez, at naibaba ito sa bangka pasado alas-dos ng hapon.

Pitong tao ang nagtulong-tulong sa pagbuhat ng isda dahil sa haba at bigat nito.

Photos courtesy of Amelia Ogayon
Photos courtesy of Amelia Ogayon

Pinagkaguluhan ng mga tao sa dalampasigan ang higanteng isda. Kanya-kanyang kuha ng selfie ang mga nagpunta na manghang-mangha sa kakaibang laki ng isda.

Ayon sa mga mangingisda, ngayon lang daw sila nakahuli ng ganito kalaking blue marlin.

Mapanganib daw ang blue marlin dahil sa matulis nitong nguso na maaaring makatusok lalo na kapag nagwawala ito habang hinuhuli.

Dinala ang higanteng isda sa palengke ng Calauag, Quezon upang ibenta. —LBG, GMA News