Inararo ng isang truck sa Calamba, Laguna ang tatlong nakabisikleta, isang tricycle, at isang van. Ang idinadahilan ng driver ng truck, nawalan daw siya ng preno pero duda ang mga awtoridad.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV sa Barangay San Juan ang tatlong biker na nakahinto sa intersection.

Maya-maya lang, sinalpok na sila ng truck mula sa likuran. Nahagip din ang isang tricycle at isang van.

Mabuti na lang at mabilis na makabalikwas ng isang biker kaya hindi siya nasagasaan ng truck.

Kaagad na dumating ang first responder at inalalayan ang mga nasaktan na nagtamo ng sugat sa paa at katawan.

Ayon kay Jeff Rodriguez, ng Public Order and Safety Office, idinahilan ng driver ng truck na nawalan ng preno ang kaniyang sasakyan.

Pero hindi siya kombinsido sa paliwanag dahil tumigil ang truck nang parahin ng traffic enforcer.

Sinagot naman ng may-ari ng truck ang pagpapagamot sa mga nasaktan at pagpapaayos sa mga nasira.--FRJ, GMA News