Naging pahirapan ang pagsagip sa mga sakay ng isang kotse na nahulog sa palaisdaan na inakala raw ng driver na karugtong pa rin ng kalsada at binaha lang lang sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, lumitaw na galing sa Baguio City ang kotse at may bibisitahin lang sa Barangay Tapuac.

Sa video na kuha ng mga residente, makikitang bubungan na lang ang makikita sa sasakyan nang malubog sa palaisdahan.

Pinagtulungan itong hatakin para maialis sa palaisdaan.

"Akala namin mamamatay, sigawan kami dito," ayon kay Nelia de Guzman, residente.

Kabilang daw ang kaniyang anak at mga kaibigan nito na nagdala ng bangka para matulungan ang mga sakay ng kotse.

Sinabi ng ilang residente na napagkamalan ng driver ng kotse na bahagi pa rin ng kalsada ang fishpond dahil kapantay ng baha ang tubig ng fishpond.

Iikot lang daw sana ang sasakyan pero mabilis daw ang andar ng kotse.

Sinusubukan pa ng makuhanan ng pahayag ang driver ng sasakyan, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News