Hindi inakala ng isang babae sa Negros Occidental na magagawa ng dati niyang mister na hiniwalayan niya 11 taon na ang nakararaan na papatayin nito ang lalaking kasama niya ngayon.
Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News, kilala ang biktima na si Jose Anillo, ng Barangay Singko sa Isabela, Negros Occidental.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naglilinis ng motosiklo sa labas ng bahay si Anillo nang bigla siyang saksakin sa likod ni Bienvenido Purdan na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Lumitaw na dating asawa ni Purdan ang babaeng kinakasama ni Anillo, at posibleng ito ang dahilan ng krimen.
Inamin umano ni Purdan sa pulisya na bumabalik sa isipan niya ang paghihiwalay nilang mag-asawa tuwing nalalasing siya.
Hindi naman inakala ng babae na magagawa ng dati niyang mister ang krimen dahil bukod sa 11 taon na silang hiwalay, mayroon na silang tatlong anak ni Anillo.
Posibleng lasing umano si Purdan nang gawin ang krimen.
Nasa kostudiya na siya ng mga awtoridad at mahaharap sa kaukulang kaso.--FRJ, GMA News