Napigil ang tangkang pagnanakaw ng dalawang lalaki mula sa isang money vending machine matapos silang isumbong ng jeepney driver na nagkataong pumarada sa convenience store sa Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita sa CCTV ng Brgy. San Nicolas 3 ang pagparada ng dalawang suspek na nakamotorsiklo sa harap ng convenience store.

Nakiramdam muna sila sa paligid, bago tangkaing buksan ng isa sa mga suspek ang rollup door ng convenience store gamit ang bolt cutter.

Nakapasok ang lalaki matapos niya itong buksan, at lumabas na dala ang isang money transfer machine.

Nilagay ito ng suspek sa gilid. Muli muna siyang nagmasid bago niya sinumulang buksan ang money transfer machine.

Gayunman, may pumaradang jeep sa malapit sa convenience store, at napansin ng driver nito ang ginagawa ng lalaki.

Mula rito, tumawag na ang jeepney driver sa kumpare niyang barangay tanod.

"Uuwi na siya (jeepney driver), pagpunta niya roon may tao, nagbubukas ng machine. Eh natakot. Sabi sa umano kaniya, 'Bibigyan na lang kita ng pera.' Ang ginawa niya, tinawag niya sa lolo Randy ko," sabi ni Rio Vasquez, tanod ng Brgy. San Nicolas 3.

Agad namang nirespondehan ni Vasquez ang insidente kahit naka-off duty.

Nang makita ni Vasquez ang kakaibang kilos ng suspek, hinabol niya ito ng hampas gamit ang batutang bakal.

Tumakbo ang suspek papalapit sa kasabwat niyang nakamotor.

Hinabol ni Vasquez at ng jeepney driver ang lalaki, pero umatras sila nang makitang bumunot na ng baril ang isa sa mga ito.

Tuluyang nakatakas ang mga salarin, pero walang natangay mula sa money transfer machine na may lamang P80,000.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin. —LBG, GMA News