Masakit man sa kalooban ng mga magulang, wala silang magawa kung hindi igapos sa papag na kawayan ang kanilang 11-anyos na anak na si "Precious." At ginagawa nila ito sa loob na ng walong taon.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, makikita si Precious ng Minglanilla, Cebu, na katali ang mga kamay at paa gamit ang retaso ng tela.
Dahil sa walong taon na pagkakatali, makikita na ang bakas ng pangingitim sa kaniyang balat sa bahagi ng pulso at paa.
Kuwento ng ina na si Mardie, noong bata pa lang si Precious ay pabalik-balik sila sa ospital dahil laging may lagnat ang anak.
At habang lumalaki, nagiging bayolente si Precious at sinasaktan ang kaniyang sarili pagsapit ng tatlong taong gulang.
May pagkakataon na inuumpog ni Precious ang ulo at minsan na rin itong nakahawak ng patalim na itinutok sa kanyang sikmura.
Dahil sa takot nila na mapahamak ang anak, nagpasya silang igapos na lang siya sa papag.
Sa papag na rin pinapakain at pinapaliguan si Precious habang nakagapos pa rin.
Dahil sa hirap ng buhay, hindi nila maipatingin pa sa duktor ang anak. Nasa P450 lang bawat araw ang sahod ng amang si Gerson.
Kapag nasa bahay, sandaling pinapakawalan ni Gerson ang anak para makapaglakad sa labas.
Masakit din para sa kaniya ang makita ang kalagayan ng anak pero wala siyang magawa.
Kaya naman tumulong ang "KMJS" team upang maipatingin sa duktor si Precious para malaman ang kalagayan ng bata.
May maganda ring balitang hatid ang Safe Haven, isang treatment and recovery village sa Cebu, na maaaring maging daan upang makalaya na sa pagkakagapos si Precious. Panoorin ang buong kuwento sa video.
--FRJ, GMA News