Kayo ba ay nangangamba na baka kapusin kayo sa mga pangangailangan sa inyong susunod na adventure? Ang ilang Pinoy, naisip na i-customize ang kanilang mga sasakyan para home-on-the-go pa rin saan man sila magpunta.
Sa Unang Hirit, itinampok ang adventures ng US-based Pinoy vloggers na sina Perry at Dustin Amoylen gamit ang kanilang van-turned-caravan.
Sa kanilang "Waray Van Life" channel, makikita na gumamit sina Perry at Dustin ng mga kahoy para disenyuhan ang kanilang van, na merong kama, portable toilet bowl, DIY shower, kusina, lababo at drawers para sa kanilang utensils.
Meron din silang water tank sa taas ng bubong para sa supply ng kanilang tubig, kaya nalibot na ng pamilya ang ilang lugar sa Amerika.
Ang construction supplier naman na si Demy John Reyes, ginawang mobile house ang kaniyang SUV, na may kama, lutuan, rooftop tent, at meron pang TV, gaming console at videoke na may speaker.
Si Pastor Lonyr Jeff Serrano naman, tatlong taon nang tumatakbo sa kalsada ng Palawan ang kaniyang mobile home para sa church missions.
Meron itong sofa bed, portable toilet at kusina. Nakatipid din siya dahil ang lahat ng mga bakal na ginamit sa pang-customize ay nanggaling sa junk shop. -Jamil Santos/MDM, GMA News