Arestado ang isang tulak umano ng ilegal na droga matapos masabat sa kaniya ang P7.1 milyong halaga ng shabu sa isang operasyon sa Cebu City.
Ayon sa ulat ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, isinagawa ng mga tauhan ng Police Regional Office-Central Visayas Regional Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation sa Barangay Tejero, kung saan naaresto ang isang nagngangalang "Toro," na tulak umano ng ilegal na droga sa iba't ibang barangay sa lungsod.
“Maganda na nahuli ng ating mga operatiba sa Central Visayas ang suspek na ito dahil ayon sa inisyal na impormasyon, sangkot siya sa malakihang operasyon ng iligal na droga,” sabi ni Eleazar.
Ayon pa sa mga ulat na nakarating sa PNP, isang bilanggo sa isa sa mga kulungan sa Cebu ang contact ng suspek sa transaksiyon ng ilegal na droga.
“We are verifying this information and we will further investigate the scope of his illegal drug activities,” saad ni Eleazar. “Pinapaigting pa natin ang ating intelligence-gathering para matukoy kung paanong patuloy na nakapag-o-operate ang mga sangkot sa bentahan ng iligal na droga kahit sila’y nakakulong."
Bago nito, may mga isinagawa na ring anti-illegal drug operations sa Cebu kung saan lumabas na ang mga suspek ay may patuloy na transaksiyon sa mga nakakulong na personalidad na sangkot sa ilegal na droga. -Jamil Santos/MDM, GMA News