Isang construction worker ang namatay matapos siyang mahulog sa hukay at matabunan ng lupa sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Sa ulat no Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nagpaalam lang sa kaniyang mga kasama ang biktima na bibili ng yelo pero hindi na nakabalik.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na dumaan ang biktima sa bahagi ng kanilang proyekto sa Barangay Minien West.
Pinaniniwalaan na nadulas ang biktima sa hukay at nagkaroon ng pagguho ng lupa kaya siya natabunan.
Hahanapin pa sana ng mga kasamahan ang biktima pero nagpasya silang hukayin ang lugar na nagkaroon ng paggalaw ng lupa at doon na nakita ang kaniyang bangkay.
Sa resulta ng awtopsiya sa bangkay ng biktima, wala naman umanong nakitang indikasyon ng foul play ang mga awtoridad.
Naiuwi na ang bangkay ng biktima sa kaniyang pamilya sa Cagayan.--FRJ, GMA News