Isang lalaking nagbabantay ng tindhan sa Calamba, Laguna ang namatay matapos siyang pagbabarilin ng salarin na sumingit sa isang babae nagpapa-load ng cellphone.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras,” makikita sa CCTV na biglang tinabig ng salarin ang babaeng nagpapa-load nitong Huwebes ng gabi at sunod-sunod na pinaputukan ang biktimang si Noel Betito.
Sa isa pang kuha ng CCTV, nakita ang salari na pumarada sa tapat ng tindahan na sakay ng motorsiklo.
Sa naturang motorsiklo rin sumakay ang salarin nang tumakas matapos isagawa ang krimen.
Kaagad na binawian ng buhay ang 35-anyos na biktimang si si Betito.
Ayon sa kaanak ng biktima, wala silang kilalang may galit kay Betito.
“Ongoing pa po ‘yung aming follow up. May tumawag sa amin na meron daw suspek. So pinapapunta ko na ‘yung tao na puwedeng mag-testify,” ani Police Lieutenant Ivette Figueroa, and hepe ng investigation section ng Calamba Police.
“Lahat po tinitingnan namin,” idinagdag nito.
Sinabi naman ni Jeff Rodriguez, hepe ng Calamba Public and Safety Office, ang kahalagahan ng CCTV para matukoy ang mga salarin.
“Just in case na kailangan itong mga kuha na ito at meron ho tayong na-detect na mga CCTV ay wala po silang dahilan para hindi makipag-coordinate o makipag-participate doon sa pagbibigay ng mga kopya ng mga nasabing CCTV,” aniya.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News