Napugutan ang isang rider nang sumemplang ang kaniyang motorsiklo at nahagip ng kasalubong na truck sa Calamba, Laguna. Ang driver ng truck, tumakas.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV na binabagtas ng nasawing rider ang Parian National Highway hatinggabi noong Linggo.
Ilang saglit pa, sumemplang ang rider at sa kasawiang palad ay nahagip siya ng kasalubong na truck.
Bahagya pang nakaladkad ang biktima.
Ayon sa isang saksi, tumakbo ang mga residente para tulungan sana ang biktima.
"Tumatakbo po siya nang mabilis, bigla siyang tumumba. Pagtumba niya, pagdaan ng truck nasapul siya... Natanggal na 'yung kalahati ng kaniyang [ulo]," ayon sa saksing si Ronaldo Salido.
Lumabas sa imbestigasyon ng Calamba City Police na may iniwasang sasakyan ang rider kaya siya natumba.
"Nag-alangan po siya at sa kaniyang palagay ay mababangga niya 'yung isang sasakyan, iniwas niya po 'yung kaniyang motor, lumipat po siya sa kabilang daan," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jonathan Villamor ng Calamba City Police.
Matulin din ang takbo ng truck ng mga oras na iyon, pero tinakbuhan lang ng driver ng truck ang rider.
Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima kaugnay sa isasampang kaso laban sa driver ng truck.--Jamil Santos/FRJ, GMA News