Kahit duguan dahil sa tinamong mga saksak, nagawa pa rin ng isang obispo sa La Trinidad, Benguet na lumaban sa salarin para makuha ang patalim. Dinala rin niya ang sarili sa ospital.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, makikita sa cellphone video si Bishop Julian Mangida habang nakikipagbuno sa suspek.
Duguan na si Mangida dahil sa tinamong mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Nang makakuha ng tiyempo si Mangida, nagawa niyang maibagsak sa kalye ang suspek at tumulong na ang ibang tao para makuha ang patalim.
Kasunod nito ay naglakad na palayo ang nanghihinang si Mangida para dalhin ang sarili sa ospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na magkasakay sa jeep sina Mangida at ang suspek nang bigla na lang undayan ng saksak ng suspek ang biktima.
Itinulak ni Mangida ang suspek palabas ng sasakyan at doon na sila nagpambuno hanggang sa magapi ang suspek.
Ligtas na si Mangida sa peligro habang idinahilan ng suspek na nagdilim lang ang kaniyang paningin dahil sa nararanasang depresyon.
Hindi raw niya kilala ang biktima at humingi siya ng patawad sa kaniyang ginawa.
Sinampahan na ng kaukulang reklamo ang suspek. --FRJ, GMA News