Nahuli-cam ang riot sa mga kabataan sa Barangay Carmen sa Cagayan de Oro City. Reklamo ng mga residente, perwisyo na ang idinudulot nito sa kanilang lugar.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao," sinabing nakipag-ugnayan na ang barangay sa pulisya para matigil na ang ginagawang pagra-riot ng mga kabataan sa lugar.
Sa video, makikita ang mga kabataan na nagtatakbuhan at nagbabatuhan kahit pa may nakaparadang sasakyan.
Puna ng isang residente, sa halip na magpatrolya ang mga awtoridad na madali silang nakikita ng mga nagra-riot na kabataan dahil sa markado nilang sasakyan, mas makabubuting pribadong sasakyan ang kanilang gamitin para mahuli nila ang mga ito sa akto.
Panoorin ang buong ulat sa video.
--FRJ, GMA News