Nagtamo ng second-degree burns sa mukha at katawan ang isang babae na dalawang-taong-gulang nang matumba at magliyab ang sinasakyan niyang motorsiklo na minamaneho ng kaniyang ama sa New Bataan, Davao de Oro.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, makikita sa video footage na nagmamadali ang ilang residente na buhusan ng tubig ang nagliliyab na bata.
Ayon kay Joefe Recto ng Operation and Warning Section ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), natumba ang motorsiklo na minamaneho ng ama ng biktima at natanggal ang takip sa tangke ng sasakyan.
Sa kasamaang-palad, natapunan ng gasolina ang batang biktima kaya kasama siyang nagliyab nang mag-apoy ang motorsiklo dahil sa pagkakatumba.
“Nag-convoy sila, natumba ang papa… pagkatumba, nasunog. Pagkatumba, natanggal ang taklob sa tangke sa motor ang bata nabasa sa gasoline and then pagkasunog mao diay ang bata ray nasunog gidakop sa kalayo,” paliwanag ni Recto.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nakasakay din sa isa pang motorsiklo ang ina ng bata, at pauwi na sana ang pamilya sa Monkayo, Davao de Oro, nang mangyari ang insidente sa Barangay Camanlangan sa New Bataan.
Isinugod sa ospital ang bata para magamot, habang ligtas naman ang iba pang miyembro ng pamilya.-- FRJ, GMA Integrated News