Isang buwan na raw nagtitiis sa sardinas ang ilang mangingisda sa isang barangay sa Naujan, Oriental Mindoro dahil wala silang mahuling isda. Pero kamakailan lang, tila nadinig ng karagatan ang kanilang hinaing kaya nagbigay ito sa kanila ng "ayudang" sandamakmak na isdang tulingan.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, makikita sa amateur video na hindi magkamayaw ang mga tao sa paghatak ng lambat papunta sa pampang sa Barangay San Jose.
Makikita rin sa video na habang hinahatak ang lambat, makikitang may mga isda pa na tumatalon sa loob ng lambat.
Sa dami ng huli, kinailangan ang 30 katao ang magtulong-tulong sa paghatak ng lambat.
At nang mailapit na sa pampang ang lambat, ang ibang residente, kaniya-kaniya nang dampot ng isdang tulingan.
Ayon sa isang mangingisda, napansin niyang may mga ibon na nagkakagulo sa dagat para dagitin ang maliliit na isda.
Naging senyales ito sa kanila na may mga isdang nasa lugar.
Kaya naman kasama ang iba pang mangingisda, pinaikutan ng lambat ang lugar at hindi sila nagkamali sa kanilang hinala dahil aabot daw sa dalawang tonelada ng tulingan ang kanilang nalambat.
Dahil sa dami ng huli at batid nila ang hirap ng buhay sa nakaraang isang buwan, hinayaan na nila ang mga tao na kumuha ng mga isda para ibahagi ang grasya ng kalikasan.
Tinatayang aabot umano sa 500 kilos ng tulingan ang naipamigay ng mga mangingisda. Habang ang 1,300 kilos naman ang kanilang naibenta na umabot sa P150,000 ang halaga.
Kaya ang isang buwan ng kawalan ng kita, nabura na agad dahil sa "ayuda" ng karagatan.
Pero bakit nga ba nangyari ang pagdagsa ng mga tulingan sa naturang lugar na nangyari na rin daw noong 2018? Alamin ang paliwanag sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News