Sa ospital ang bagsak ng anim na magkakamag-anak matapos silang malason sa inalmusal na itlog na maalat sa Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Charimaine, 28-anyos, Katrina, 24, Christian, 17, at Dolores Untalan, 54, Kasama rin sina Diether Antonio, 12 at Mark Catipon, 32, ng Barangay Carayacan, San Quintin.

Ayon sa isang kaanak, sumama ang pakiramdam ng mga biktima na sumakit ang tiyan at nagsuka, isang oras matapos makain ang itlog na maalat.

Nabili raw ang mga itlog sa palengke, na ayon sa tindera ay nanggaling sa Nueva Ecija.

Batay sa resulta ng pagsusuri sa mga biktima, positibo sa salmonella bacteria ang itlog na nagdulot ng food poisoning sa mga biktima.

Wala naman daw balak ang mga biktima na magsampa pa ng reklamo laban sa tindera.

Paalala naman ng mga awtoridad, mag-ingat at tiyakin na malinis ang mga gamit sa paghahanda sa pagkain dahil tumataas ang insidente ng food poisoning kapag mainit ang panahon.--FRJ, GMA News