Nauwi sa trahediya ang pagjo-jogging ng isang mag-asawa sa General Santos City nang masagasaan sila ng pick-up truck. Ang driver, nakainom at nakatulog umano habang nagmamaneho.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nasawi ang mister habang malubhang nasugatan naman ang kaniyang misis.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakainom at nakatulog ang driver ng pickup habang nagmamaneho.

Unang binangga umano ng pickup ang poste ng ilaw at pagkatapos ay nasapul ang mag-asawang nagjo-jogging sa gilid ng kalsada.

Nasa kostudiya na ng mga pulis ang driver na hindi nagbigay ng pahayag.

Sa Butuan City, magkaibigan naman ang nasagasaan ng isang truck kung saan isa ang nasawi at kritikal ang isa pa.

Sa kuha ng CCTV, makikita na naglalakad ang mga biktima sa gilid ng daan nang biglang sumulpot sa kanilang likuran ang truck at nahagip ang mga biktima.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang 16-anyos na biktima, habang kritikal ang kaibigan niyang 18-anyos.

Sumuko naman sa pulisya kinalaunan ang driver ng truck na hindi nagbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News