Arestado ang isang puganteng Japanese national na dawit umano sa dalawang bilyong yen o P874 milyon na telecommunications fraud at extortion sa Japan matapos siyang matagpuan sa isang diving resort sa Batangas.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang Japanese fugitive na si Fujito Toshiya, na miyembro umano ng isang kilabot na organized criminal group na may operasyon sa Pilipinas.
Binibiktima umano ng grupo ng suspek ang kanilang mga kababayan sa Japan.
Nang matagpuan ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit at Batangas Provincial Police Office ang suspek, agad nila itong hinanapan ng ID.
Pero sa halip na maglabas ng ID, nagmatigas ang suspek at nagsimulang tumawag sa kakilala. Ilang saglit pa, sinubukan niyang pumunta sa kaniyang kuwarto, pero hinarang na siya at kinapkapan ng mga operatiba.
"They will be calling them under the pretext that they are government prosecutors or police officers. The victims, because of the fear that they might be incarcerated because of the alleged cases that were filed against them, will submit to the demand of these fraudsters," sabi ni Bob Raquepo, hepe ng BI - Fugitive Search Unit.
Matagal na umanong hinahanap ng Interpol at Tokyo Metropolitan Police ang international criminal group ni Toshiya pero mailap ang operasyon ng grupo sa Pilipinas.
Hanggang sa makakuha sila ng impormasyon nang magbakasyon sa Batangas ang isa sa lider ng grupo.
Kaagad na idedeport si Toshiya pabalik sa Japan para harapin ang mga kaso kapag natapos na ang pagproseso ng mga dokumento at clearance.
Tumangging magbigay ng pahayag ang naarestong pugante.--Jamil Santos/FRJ, GMA News