Nasawi ang isang siyam na taong gulang na lalaki matapos siyang barilin ng lalaking nakaalitan ng kaniyang kaanak sa Ilagan, Isabela. Ang biktima, nagbabasa lang ng module nang mangyari ang krimen.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Jose Baquiran, 60-anyos, na ayon sa pulisya ay biglang dumating sa bahay ng biktima.

Tila may ikinagalit umano si Baquiran sa kausap niyang kaanak ng batang biktima at bigla na lang namaril.

Dead on arrival sa ospital ang biktima, habang arestado ang suspek na sinampahan na ng reklamo.

Sinisikap ng GMA news na makunan ng pahayag ang suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News