Lima ang naiulat na namatay  sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa ilog, isa  sa Cotabato sa Mindanao, at apat sa Hermosa, Bataan sa Central Luzon.

Hindi na naisalba pa ang isang lalaking pipi at bingi na lumangoy sa ilog sa gitna ng isinasagawang thanksgiving party sa Magpet, Cotabato.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Angelito Imban, na nawala ng ilang oras habang lumalangoy sa river resort.

Wala na siyang malay nang matagpuan.

Tinangkang iligtas si Imban ng kaniyang mga kasama at isinugod sa ospital pero hindi na siya naisalba.

Sa isa pang isidente ng pagkalunod, patay ang kambal na dalagita at dalawa pa nilang kaanak sa Barangay Almasen sa Hermosa, Bataan.

Wala nang buhay sina AC at AJ Matganong pati ang mga kamag-anak nilang sina Reynalyn Magtanong at Gabriel Santos nang matagpuan.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi nagpaalam ang mga bata na lalabas sila at pupunta sa ilog.

"Tumakas po sila, ayoko nga po silang palabasin. Sabi ko matutulog po kami eh, walang lalabas," sabi ni Rosalie Magtanong, ina ng kambal.

Nasa mababaw na bahagi lang ng ilog ang mga biktima noong una, hanggang sa mapadpad sila sa mas malalim na tubig.

Ilang saglit pa, may sumigaw na para humingi ng tulong.

Nasagip ng mga bangkero ang isa pang kaanak ng mga nasawi na si Renz Magtanong na siyang nagturo sa kinaroroonan ng mga nasawi.

Patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari. —LBG, GMA News