Nasawi ang apat na kabataan, kabilang ang kambal na magdiriwang sana ng kanilang kaarawan sa susunod na linggo, matapos silang malunod sa Almacen River sa Bataan.
Sa ulat ni Katrina Son sa GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na ang 11-anyos na kambal na sina AC at DJ Magtano, at mga kaanak nilang sina Gabriel Santos at Reynalin Magtano, kapwa 11-anyos din.
Ayon kay Roberto Bartolome, nakarinig niya ng sigaw na humihingi ng tulong at nakita niya ang isang bata na lulubog-lilitaw na sa ilog na may 10 talampakan ang lalim.
Nasagip ang naturang bata pero hindi kaagad nila nalaman na may iba pang biktima na nasa ilalim na ng tubig.
Ang nakaligtas na bata umano ang nagturo kung nasaan ang iba pa niyang kasama.
Dinala ang mga biktima sa ospital pero idineklara silang dead on arrival.
Ayon sa ina ng kambal, hindi humingi ng permiso ang kaniyang mga anak na magpupunta sa ilog.
“Tumakas sila. Ayaw ko sila palabasin… Paglabas ko, wala na, hindi ko na sila makita,” anang ginang.--FRJ, GMA News