Mananatiling isa ang Palawan matapos tanggihan ng mga tao sa paraan ng plebisito ang hakbang na hatiin sa tatlo ang lalawigan.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, lumitaw sa isinagawang botohan na 172,304 ang 'no' at 122,223 ang 'yes' tungkol sa ipinasang panukalang batas na maghahati sa Palawan.
Isang munisipalidad na lang umano ang hindi na nabibilang ang mga boto. Pero hindi na nito maapektuhan ang resulta na mas marami ang nais na manatiling buo ang Palawan.
“Canvass results from Kalayaan are not expected to arrive today, due to the unavailability of transport. Kalayaan has 281 registered voters,” ani Jimenez.
Sinabi ni Jimenez na nauna nang nag-mosyon ang "Oppositor' na itigil na ang canvassing "in view of the insurmountability of the lead enjoyed by the NO votes."
Kinalaunan ay nakiisa na rin umano ang "Proponent" sa mosyon ng kabilang panig.
Sa 23 munisipalidad, 22 sa kanila ang nabilang na ang mga boto.
Umabot naman sa 60 porsiyento ng mga botante ang nakibahagi sa plebisito.
Taong 2019 nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang nagtutulak na biyakin sa tatlo ang Palawan na tatawaging--Palawan del Norte, Palawan del Sur, at Palawan Oriental.—FRJ, GMA News