Kita sa CCTV footage ang shootout na naganap sa tapat ng isang spa sa San Pablo City, Laguna, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.
Makikita sa CCTV na may dalawang lalaking nakatayo sa tabi ng isang sasakyan.
Maya-maya ay bigla silang gumalaw at nakita silang nagpaputok ng baril.
Kinilala ang isa sa mga nagpaputok na si Police Staff Sergeant Edgar Malabuyoc. May bumaril daw sa kanila kaya't gumanti sila ng putok.
Tinamaan ang kanyang kaibigan na si Ricardo Caravela. Itinakbo siya sa ospital ngunit dead on arrival ito.
Ang driver naman na si Rommel Viterbo ay tinamaan din pero nagpapagaling na ito.
Nakatakas naman ang salarin sakay ang motorsiklo.
Samantala, sa Calamba, nakatambay lang sa labas ng barangay hall ang isang lalaking kinilalang si Mark Jovit Homo.
Bigla siyang nilapitan ng isang lalaking naka-helmet at binaril siya nang malapitan.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo sa krimen at isa sa mga tinitingnan na anggulo ay ang pagkakasangkot umano ng biktima sa ilegal na droga. —KG, GMA News