Sinabi ng anak ng nasawing si Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino na paulit-ulit na pinaputukan ng mga pulis ang van na sinasakyan ng kaniyang ama. Ang alkalde, aabot daw sa 21 tama ng bala ang tinamo.
Sa panayam sa radyo nitong Huwebes, sinabi ni Mark Aquino na batay sa nakuha niyang impormasyon sa nakasaksi sa insidente, pitong armadong lalaki ang bumaril sa van ng kaniyang ama para tiyakin na patay na ang mga sakay nito.
“Tatlong wave ang pagbaril nila sa papa ko. Una, apat na tao ang bumaril and then noong naubos na ang bala, nag-change mag [magazine] sila tapos ‘yong tatlo naman ang bumaril,” ayon kay Mark.
Sinabi ni Mark na narinig ng testigo ang isang pulis na nagsabing, “Okay na, patay na.”
“So ibig sabihin kilala po nila si mayor… So ibig sabihin intentional po ang pagpatay nila kay mayor,” patuloy ni Mark.
Ayon sa Philippine National Police, lima ang nasawi sa naturang "engkuwentro" ng mga pulis at grupo ni mayor Aquino noong Marso 8.
Bukod sa alkalde, nasawi rin ang kaniyang driver, security escort na kasama niya sa van. May dalawa pang pulis na nasawi na nasa magkahiwalay na sasakyan.
Batay sa impormasyon ng PNP, nagkaroon ng engkuwentro nang paputukan umano ng grupo ng alkalde ang sasakyan na inakala nilang sinusundan sila, na mga pulis pala ang sakay.
Hindi rin umano alam ng mga pulis na alkalde ang nakasakay sa van.
Pero hindi naniniwala si Mark sa paliwanag ng mga pulis at sinabing city government issued ang sasakyan ng kaniyang ama.
Ayon pa kay Mark, sinabi rin ng mga testigo na ilang beses na nakita sa lugar ng pinangyarihan ng engkuwentro ang sasakyan ng mga pulis.
“Siguro pinag-aaralan nila o kine-casing na nila ‘yong lugar na ‘yon na kung saan halos araw-araw dumadaan si mayor,” sabi ni Mark, na naniniwalang tinambangan ang kaniyang ama.
Magkaiba rin umano ang plaka sa harap at likod ng isa sa mga sasakyan na umatake sa kaniyang ama.
“Ang pinagtataka ko, kung totoong legitimate operation ‘yon, ano ang ginagawa ng mga pulis doon bago dumating si mayor at bakit po sila nagtago noong dumating ang mga rumerespondeng pulis?” patuloy ni Mark.
Bumuo na ng special investigation task group para alamin ang nangyaring insidente. --FRJ, GMA News