Namaga at tila lumobo ang kanang mata ng isang 22-anyos na ginang matapos siyang aksidenteng masiko ng kaniyang tatlong-taong-gulang na anak sa Tarlac.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabi ni Kim de Rama, ng Barangay Banaoang sa Moncada, Tarlac, na lumabo na rin ang kaniyang kanang paningin.
"Pag gising ko masakit saka mahirap imulat. Tapos parang natatakpan yung pinaka-black ng mata, natatakpan ng parang laman," kuwento ni de Rama.
Sumailalim sa angiogram procedure si de Rama at lumilitaw na nagkaroon ng abnormal connection sa mga ugat ng kaniyang mata na nasiko.
Ayon sa isang ophthalmologist, lubhang delikado ang masagi ang mga mata.
"Blunt 'yan eh. Para ka na ring sinuntok lalo na kung hindi nakontrol ng bata yung siko niya. Maraming patutunguhan 'yan, puwedeng magkaroon siya ng pagdurugo, " sabi ni Dr. Monique Posadas, ophthalmologist.
Kailangan umanong maoperahan ang nasikong mata ni de Rama upang hindi siya tuluyang mabulag.
Pero dahil sa kakapusan ng pinansiyal, nanawagan siya ng tulong sa mga may mabuting kalooban na maipaopera ang kaniyang mata.
"Humihingi po ako sa inyo ng tulong sana matulungan nyo po ako kasi hindi po namin kayang ipagamit ang mata ko," panawagan niya.--FRJ, GMA News