BORACAY Island, Aklan- Dalawang araw na ipinasara ng Aklan Provincial Government ang Hue Hotels and Resorts Boracay matapos magpositibo ang isa sa mga kawani nito sa COVID-19.
Base sa memorandum na ipinalabas ni Aklan Governor Florencio Miraflores, sarado muna ang operasyon ng Hue Hotels sa isla simula Enero 31 hanggang Pebrero 1.
Ito na ang pangalawang hotel sa Boracay na pansamantalang ipinasara dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang una ay ang Shangri-la Hotel Boracay Resort & Spa na ipinasara ng limang araw matapos magka-COVID-19 ang may 15 na empleado nito.
Inihayag naman ng management ng Hue Hotels na nakikipag-ugnayan na sila sa Municipal Health Office ng Malay, Aklan para sa kaligtasan ng mga empleado nito.
Kinumpirma ni Sheryl Cham na siyang general manager ng Hue Hotels and Resorts Boracay sa statement na ibinigay sa GMA News na isa sa kanilang mga empleado ang nagpositibo sa COVID-19. Siya raw ay asymptomatic at nadala na sa quarantine facility sa Kalibo.
"We are closely in touch with our employee to ensure that his needs and well-being are taken care of," ani Cham.
Ayon kay Cham, nagsagawa agad ang hotel ng contact tracing. Wala rin daw sa mga guests ang kabilang sa mga close contact ng nasabing empleado o nasa high-risk para sa COVID-19.
Ang isang empleado na naging close contact ng pasyente ay isinailalim sa COVID-19 testing at ito ay nag-negatibo para sa coronavirus. Sa kabila ng resultang ito, siya ay sumailalim din sa 14-day quarantine.
"We conducted enhanced cleaning and disinfection of all common areas, offices, bathrooms, and shared equipment, focusing on frequently touched objects and surfaces. This was done over and above the regular cleaning and disinfection procedures we undertake," ani Cham.
Ayon kay Cham, mahigpit ang pagpapatupad nila ng health and safety protocols sa hotel para sa mga guests at empleado.
Lahat ng empleado nila ay naka-personal protective equipment kapag duty, sumasailalim sa health screening check araw-araw, at sumusunod sa social distancing guidelines.
Habang nakasara pansamantala ang hotel mula Enero 31 hanggang Pebrero 1 ay magsasagawa raw ito ng "thorough and complete disinfection," ani Cham.
"We remain committed to ensure the safety of all our guests and employees by adhering to the hotel's health and safety protocols as well as the measures instituted by the LGU [local government unit] and DOT [Department of Tourism]," dagdag pa ni Cham.
Umabot na sa 613 ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Aklan nitong Enero 31.
Sa nasabing bilang, 20 ang namatay, 60 ang aktibo at ang iba ay naka-recover na. —KG, GMA News