Sinunog ng isang ama sa Butuan City ang katawan ng kaniyang namatay na anak dahil wala raw siyang pera para iburol ito, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Nalaman ng otoridad ang ginawa ng amang si Rolando Casipong matapos itong i-report ng dalawa pa niyang anak.
Anang dalawang anak, tumulong pa ang kanilang inang may kapansanan sa pagsunog at paglibing sa bangkay.
Aminado naman ang ama sa ginawang pagsunog ng bangkay. Namatay daw ang kaniyang anak sa edad na 24 dahil sa isang karamdaman.
Depensa ni Casipong, mahirap lang sila kaya niya nagawang sunugin ang bangkay ng anak.
Nagpasya naman ang magkakapatid na huwag nang kasuhan ang kanilang ama. —KBK, GMA News