Sinabi ni Senador Raffy Tulfo na kamag-anak ng isang senador ang sakay umano ng puting sports utility vehicle (SUV) na may nakalagay na “pekeng” protocol plate number 7--na para sa mga senador, na tumakas nang sitahin sa pagdaan sa EDSA busway noong Linggo.

“Related ito sa isang senador pero hindi 'yung senador 'yung sakay ng SUV na 'yan at the time. Kamag-anak ng isang senador,” ayon kay Tulfo sa press briefing nitong Miyerkoles.

Sinabi pa ni Tulfo, na miyembro ng Armed Forces of the Philippines ang pasahero na patungo umano sa isang resort sa Quezon City, at nanggaling sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Sinita ang SUV dahil sa pagdaan sa EDSA busway sa Guadalupe Station's northbound lane noong Linggo.

Sa video post ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), nakitang umalis ang SUV kahit pinatitigil ni Secretariat Sarah Barnachea ng DOTr-SAICT.

Ayon kay Tulfo, ang kompanya na Orient Pacific Corporation ang may-ari ng sasakyan pero hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye.

Nitong Miyerkoles ng umaga, lumantad na ang driver ng SUV at inako ang responsibilidad sa pagdaan sa EDSA busway. Hindi naman daw niya alam kung papaano napunta sa sasakyan ang plakang 7 na tinukoy ng Land Transportation Authority (LTO) na "peke."

BASAHIN: Driver ng SUV na may plakang '7,' lumantad; pero pasahero niyang 'guest,' 'di pa tukoy

Una rito, inihayag ni Tulfo na plano niyang imbestigasyon ang tungkol sa insidente.

Nitong Miyerkules, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority chairperson Romando Artes Jr. na hindi matukoy ang may-ari ng sasakyan dahil wala ring conduction sticker ang SUV.

“Akin po agad pina-review 'yung CCTV at sinabi ko sa aming tauhan na makipag- coordinate sa LTO. Ang problema walang conduction sticker 'yung sasakyan tapos “7” lang 'yung plate both sa harap at sa likod,” ayon kay Artes.— mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ, GMA Integrated News