Isang 12-anyos na lalaki ang natusok ng bakal sa Barangay Calamba sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa Unang Balita, natuhog umano sa bakal sa pader ang kaniyang kaliwang braso.

Ayon sa mga nakakita, naglalaro umano ng sipa ang bata nang aksidenteng lumipad ang kanyang sapatos na napunta sa bubong ng isang bahay.

Nakuha sa isang video na nakatayo at tila naghahabol siya ng kaniyang hininga.

Habang maingat na pinuputol ang grills, kinabitan na ng oxygen ng Bureau of Fire Protection ang bata na naialis matapos ang mahigit isang oras.

Agad siyang inoperahan para matanggal ang bakal na nakatusok sa kanyang braso.

Ngayon ay nasa maayos na kalagayan na ang bata. —Sherylin Untalan/KG, GMA Integrated News