Humahabol ang mga overstaying Filipinos na hindi nakakuha ng bagong trabaho para makasama sa two-month amnesty program ng United Arab Emirates para sa mga illegal alien na magtatapos na sa Huwebes, Oct. 31, 2024.

Abala ang mga opisyal ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi, at Philippine Consulate General (PCG) sa Dubai, sa pagproseso ng repatriation documents ng mga Pinoy na nais nang bumalik sa Pilipinas.

“Madaming nag-last minute ngayon for travel documents for repatriation,” ayon kay Ambassador Alfonso A. Ver.

Ayon sa pinuno ng Philippine missions to the UAE, malalaman sa kalagitnaan ng linggo ang pinakabagong bilang ng mga uuwi sa Pilipinas kapag naisapinal na ang bilang.

“Yung next batch na uuwi, baka last batch na ‘yon,” sabi ni Ver.

Una nang inihayag ni Ver na inaasahan nila na madadagdagan ang mga Pinoy na sasamantalahin ang amnestiya ng UAE sa sandaling mabigo ang ito na hindi makakuha ng bagong trabaho kahit pa overstaying na sila.

Nagdarasal din umano sila na mapalawig pa ang deadline ng amnestiya, na inilarawan ni Ver na “very generous” dahil inalis ang mga fines at penalties sa mga overstaying.

Ang isang overstaying illegal allien ng isang taon, aabot ang penalty ng AED18,250.

May mga bata na hindi nabigyan ng birth certificates dahil overstaying ang kanilang ina.

Mayroong 146 kaso nito na naitala sa Dubai sa unang 12 araw ng amnesty program, ayon kay Labor Attaché John Rio Bautista, pinuno ng Migrant Workers’ Office sa PCG.

Bukod sa pag-alis ng fees at penalties, nakasaad sa kondisyon ng amnestiya ng UAE na maaaring bumalik sa kanilang bansa ang mga overstayer kapag maayos na ang kanilang papelas at may trabahong mapapasukan.—mula sa ulat ni Jojo Dass/FRJ, GMA Integrated NewsFRJ, GMA Integrated News