Muling binaha ng grasya mula sa karagatan ang mga residente sa isang barangay sa Moalboal, Cebu dahil sa mga isdang tamban na napadpad sa dalampasigan.

Sa ulat ng GMA Regional TV at GMA Integrated Newsfeed, makikita na hindi magkamayaw ang maraming residente ng Barangay Basdiot, na mistulang sinasalok na lang ang mga maliliit na isda na nasa tabing-dagat.

Nangyari ang insidente nitong Linggo ng umaga, na naganap na rin dalawang buwan pa lang ang nakalilipas sa Panagsama Beach, na umaga rin.

Naniniwala ang mga eksperto na ang pagdagsa muli ng mga tamban ay produkto pa rin ipinatupad noon na closed fishing season ng ilang buwan kaya nakapagparami ang naturang mga isda.

May posibilidad din na napunta sa baybayin ang mga tamban dahil sa pagbabago ng temperatura sa dagat, o dahil sa direksyon ng agos ng dagat, o kaya naman ay hinahabol sila ng predator o kumakain sa kanila.

Kilala rin ang Moalboal sa coral reef at mayroon umanong drops off o palalim na bahagi ng dagat ba aabot sa 230 feet.

Ang lokasyon ay sikat umano dahil sa dami ng tamban na isda sa lugar at kilala sa tinatawag na "sardine run" o "sardine swirl." --FRJ, GMA Integrated News