Nagkaloob ng tulong ang Kapuso star na si Kyline Alcantara sa mga kababayan niyang sinalanta ng bagyong "Kristine" sa Albay.

Sa ulat ng GMA show na "Unang Hirit" nitong Lunes, sinabing kasama ni Kyline na namahagi ng tulong ang basketball player na nauugnay sa kaniya na si Kobe Paras.

Ginawa nina Kyline at Kobe ang pamamahagi ng relief goods sa mga residente ng Barangay Tinago sa Ligao City, Albay.

Isang Bicolana si Kyline na nagmula sa lalawigan ng Camarines Sur.

Samantala, kinumpirma naman ni Kobe sa isang panayam ng local fashion magazine na "dating" na sila ni Kyline.

Ginawa ni Kobe ang pahayag sa Cosmopolitan Philippines nang tanungin siya kung sino ang biggest celebrity crush niya, at binanggit niya si Kyline.

"Kyline Alcantara because we are dating," saad ng binata.

Sa nakaraang panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda," inihayag ni Kyline na si Kobe ang nagpapasaya sa kaniya ngayon.

Sinabi naman ni Kobe sa GMA News Online sa GMA Gala na "great friends" sila ni Kyline.

Nagsimulang pag-usapan na posibleng may magandang namamagitan sa dalawa nang makita silang magkasama na namamasyal sa Taguig noong nakaraang Mayo.--FRJ, GMA Integrated News