Sa magkahiwalay na pagkakataon, dalawang dambuhalang sawa ang naispatan sa mga bahay sa Cebu City at General Santos City. Ang isa sa mga ito, hindi pa nahuhuli kaya kakaba-kaba ang mga residente lalo na para kaligtasan ng mga bata sa lugar na maaaring kainin ng gumagalang ahas.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video footage habang gumagapang sa kisame ng bahay ang malaking sawa na tinatayang tatlong metro ang haba.
Nakita umano ang sawa noong madaling araw ng Oktubre 22. Sa laki nito, naniniwala ang mga taga-barangay na kaya nitong lumunok ng tao, lalo na ang mga bata.
Itinawag sa barangay ang nakitang sawa para hulihin. Gayunman, nawala na ang ahas bago pa dumating ang mga tinawag na tanod.
Hinihinalang na galing sa kakahuyan na malapit sa mga kabahayan ang sawa, at posible umanong doon din bumalik.
Dahil hindi nahuli ang sawa, hindi maiwasan na mangamba ang mga residente para sa kaligtasan ng mga bata sa lugar kaya iniiwasan na hayaang gumala-gala sa kung saan-saan ang mga paslit habang hindi pa bakit kung nasaan ang dambuhala nilang "kapitbahay.'
Payo ng barangay, kapag nakita ang sawa, huwag itong gagalawin at subaybayan lamang kung saan pupunta at saka i-report sa awtoridad.
Sa isang bahay naman sa General Santos City, isang dambuhalang sawa rin na tinatayang nasa 10 hanggang 11 talampakan ang haba ang nakita sa kisame ng bahay.
Na-trap ang ahas nang sumabit sa screen o alambre at doon na namatay.
Hinala ng mga residente, ang ahas ang responsable sa pagkawalan ng mga alagang pusa sa lugar.
Isang residente rin ang naniniwala na ang naturang sawa ang posibleng nakakagat sa kaniya.
Pero bakit ba nga naglalabasan ngayon ang mga dambuhalang sawa at nakararating pa sa mga bahay? Panoorin ang buong ulat sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News