Patay ang isang 47-anyos na ginang matapos siyang pagsasaksakin ng dati niyang asawa sa Urbiztondo, Pangasinan.
Sa ulat ni Kim Salinas ng GMA Regional TV sa Saksi nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na magtutungo sana ng suspek sa bahay ng biktima noong Nobyembre 1.
Ngunit nakasalubong ng suspek ang kaniyang dating misis, at nakitang kasama nito ang bagong kinakasama.
Humantong ito sa komprontasyon at habulan.
Isinalaysay mismo ng suspek na bumalik siya sa kaniyang tahanan upang kumuha ng kutsilyo.
Binalikan ng suspek ang dalawa saka at dito inundayan ng saksak ang dating asawa bago mabilis na tumakas.
Isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa mga anak ng suspek at biktima, inakala nilang maayos na ang kanilang mga magulang kahit na anim na buwan nang hiwalay ang mga ito.
Nakabilanggo ngayon ang suspek, na umamin sa krimen at sinabing nagsisisi siya sa kaniyang nagawa. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News