Sumalang sa "kitchen-terrogate" segment ng bagong programa na "Lutong Bahay" ang actress-TV host-singer na si AiAi Delas Alas, at tinanong kung sino ang artista na nakaaway niya.
Sa naturang episode na host si Mikee Quintos, kasama ni AiAi ang kaniyang anak na si Sancho Vito.
Pipili si AiAi sa mga maliliit na kandero na may laman sa loob bago niya sagutin ang tanong. Kapag hindi niya gustong sagutin ang tanong, dapat niyang kainin ang laman ng kandero.
Unang itinanong kay AiAi, host ng singing contest na "The Clash," kung may naka-clash na ba siyang artista o nakaaway, at ayaw na niyang makatrabaho.
Saglit na nag-isip si AiAi, at saka kinain ang laman ng napili niyang kaldero na mayroong ubas.
"Ayokong may kaaway," natatawang sabi ni AiAi.
Sunod na itinanong ni Mikee kay AiAi ay kung sino sa mga bagong artista na nakatrabaho niya ang nakitaan niya ng hindi magandang ugali.
Muling nag-isip si AiAi pero sinabi niya na, "In fairness kasi sa GMA mababait ang mga artista. Wala akong masasabi."
Ayon kay Sancho na artista rin, kasama sa bilin sa kaniya ng ina na magpapakilala sa mga makakatrabahong veteran o senior actors.
Dinugtungan ito ni AiAi na sinabing, "Huwag kang mag-feeling..."
Na sinundan ni Sancho na, "Never mong i-expect na kilala ka nila."
Ayon pa kay AiAi, sukatan din niya na maganda ang ugali ng isang tao kung nananatiling mabait kahit sikat na.
Sa huling tanong, tinanong si AiAi kung naapektuhan ba siya ng bashing online gaya ng nangyari sa kaniya noon nang may suportahan siya sa pulitika.
Paliwanag ni AiAi, hindi siya nagpapaapekto sa bashing dahil bukod sa hindi niya binabasa ang puna, may dahilan kung bakit niya sinusuportahan ang isang kandidato.-- FRJ, GMA Integrated News