Dahil tatlong taon nang hindi nagagamit ang isang balon sa Iloilo, nilagyan ito ng kongkretong takip para iwas-disgrasya. Pero isang araw, isang bata ang aksidenteng natungtungan ang takip, bumigay, at nahulog ang biktima.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing tinakpan na lang ng kongkreto ang balon na nasa isang compound dahil wala nang tubig na nakukuha mula rito.

Ngunit isang araw, natuntungan ito ng bata na kukuha raw sana ng nakasampay na damit na dahilan para bumigay ang takip at mahulog ang biktima.

Nagawa naman ng bata na sumigaw upang humingi ng tulong na nadinig ng kaniyang ama. Ngunit dahil sa lalim ng balon, hindi niya magawang abutin ang kaniyang anak.

Kaya naman humingi na siya ng tulong sa mga kapitbahay na tumawag naman ng rescue unit sa Bureau of Fire and Protection.

Dahil malalim ang balon, batid ng rescue team ang kahalagahan ng bawat sandali dahil maaaring maubusan ng hangin ang bata sa ilalim na posibleng ikamatay ng biktima.

Ngunit ang problema, makipot lang ang daanan ng balon kaya ang pinakamaliit na miyembro ng rescue team ang kinailangang bumababa.

Katunayan, hindi na rin dinala ng rescuer ang oxygen tank dahil hindi siya magkakasya sa balon.  Nagtagumpay kaya ang rescue mission? Panoorin ang video ng ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News