Isang 13-anyos na babae sa Cavite ang naging biktima ng pamba-blackmail ng isang 22-anyos na lalaki na nakilala niya sa social media. Ang suspek, hiningan ng pera ang biktima kapalit nang hindi pagpapakalat ng maselan niyang video.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing naaresto sa entrapment operation ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group 4A sa General Trias, Cavite ang suspek na si Kelvin Lobas matapos kunin ang ipinadalang pera ng biktima.
Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakilala ng biktima ang suspek sa social media noong lockdown at nahulog ang loob ng dalagita nang ligawan siya ng lalaki.
“Mga bandang June nagkakilala sila. Nahulog ang loob nitong minor victim natin sa suspek hanggang sa hiningan na po siya ng maselan na video,” ayon kay PNP-4A Regional Anti-Cybercrime Unit operations chief Police Captain Mariz Datiles.
Noong nakaraang buwan ng Nobyembre, nagsimula na raw pagbantaan ng suspek ang biktima at humingi ng pera.
“Tinatakot po siya na ‘pag hindi siya maggawa ng bagong video aside sa naunang video, gagawa po siya ng masama laban sa pamilya niya at ikakalat niya rin po ‘yong dalawang videos na sinend niya sa family at saka sa mga kaibigan,” sabi pa ni Datiles.
Payo naman ng pulisya sa mga magulang, laging gabayan ang kanilang mga anak tungkol sa mga nakikilala sa internet.
“Ituro rin po natin sa kanila na ‘wag kumausap o ‘wag tumanggap ng friend requests na hindi naman po talaga nila kilala. Sa new normal po natin, ang tinatarget ng cybercriminals are children who are the most vulnerable and unaware,” paalala ni Datiles.
Wala pang pahayag ang suspek. -- FRJ, GMA News