Bagama't bumaba na, baha pa rin sa Calumpit, Bulacan kaya kailangang sumakay sa bangka ang mga residente para makapunta sa kanilang mga tahanan.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, makikitang binuhat at isinakay sa bangka ang isang nakatatandang babae para makabalik sa kaniyang tahanan.
Mga bangka muna ang sasakyan ng ilang residente papasok sa kanilang barangay, kung saan hanggang baywang pa rin ang baha at tumataas pa kapag high-tide.
Sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses, naging lagpas-tao ang taas ng baha sa ilang bahagi ng Bulacan kung saan nagpakawala rin ng tubig ang mga dam.
Patuloy pa rin sa pagpapakawala ng tubig ang mga dam, at meron pang nanggagaling mula sa mga upstream ng Nueva Ecija at Pampanga.--Jamil Santos/FRJ, GMA News