QUEZON - Dahil sa malakas na hangin at ulan dulot ng Typhoon Ulysses simula pa noong Miyerkoles, maraming lugar sa Quezon ang nalubog sa baha.
Binaha ang mga bayan ng Tagkawayan, Calauag, Buenavista, Lopez, Gumaca at Atimonan.
Lubog din sa baha ang bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Sumulong, Calauag dahil sa pag-apaw ng Sumulong River. Nadadaanan naman ito ng mga sasakyan subalit lubhang mapanganib dahil rumaragasa ang baha.
Binaha rin ang Maharlika Highway sa Barangay Canda Ibaba sa Lopez.
Mabilis ang pagtaas ng tubig baha sa mga lugar na ito.
May mga puno rin na humambalang sa highway.
Lampas tao na ang baha sa ilang bayan sa Lopez, partikular sa Barangay Canda Ibaba.
Ang mga bahay sa gilid ng highway ay lubog na rin. Nagbabangka na ang mga residente upang makalabas sa lugar.
Ang ilang residente naman, inilabas na ang kanilang mga kayak upang gamitin sa paghahatid ng mga nais makatawid sa baha.
Sa Catanauan, maraming bahay din ang binaha. Masuwerteng nakapagpalikas nang maaga ang local government.
Samantala, hindi na maaaring daanan ang Maharlika Highway sa bahagi ng Calauag dahil sa landslide. Tumabon sa dalawang lane ng highway ang lupa mula sa bundok.
Sa bayan ng Lopez ay naabutan ng GMA News ang isang pamilya na naglalakad sa gilid ng highway. Lumikas daw sila mula sa Barangay Magsaysay dahil abot-dibdib na ang baha.
Baha rin sa highway sa sentro ng bayan.
Inaasahang aabutin ng isa o dalawang araw bago humupa ang baha sa Maharlika Highway sa Lopez, kung kaya’t payo ng PNP Quezon, ipagpaliban na muna ang pagbiyahe kung dadaan sa bayan ng Lopez.
Sa Canda Ibaba naman, posible raw abutin ng tatlong araw bago humupa ang baha.
Nagsasagawa na ng clearing operation ang mga pulis, sundalo at local government personnel sa Maharlika Highway.
Nitong alas-singko ng umaga ng Huwebes, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa hilaga at gitnang bahagi ng Quezonn (San Antonio, Tiaong, Dolores, Candelaria, Sariaya, Lucena City, Pagbilao, Tayabas City, Lucban, Mauban, Sampaloc, Padre Burgos, Atimonan, Perez, Alabat, Plaridel, Agdangan, Real, Infanta, General Nakar) pati na rin ang Polillo Islands.
TCWS No. 2 naman ang nakataas sa nalalabing bahagi ng Quezon.
Nitong alas-onse ng umaga ng Huwebes naman ay TCWS No. 2 na lang ang nakataas sa hilaga at kanlurang bahagi ng Quezon (Mauban, Pagbilao, Tayabas City, Lucena City, Sariaya, Candelaria, San Antonio, Tiaong, Dolores, Lucban, Sampaloc, Real, Infanta, General Nakar) kasama na ang Polillo Islands.
May banta pa rin ng storm surge na aabot ng tatlong metrong taas sa mga coastal areas ng Aurora, hilagang bahagi ng Quezon kasama ang Polillo Islands, Cavite, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan, and Zambales. --KG, GMA News