Inaresto ang isang babae matapos umanong pagsusuntukin ang isa pang babae sa Calasiao, Pangasinan. Ang suspek, kapatid ng kinakasama ng biktima.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regiona TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Lovely Lofranco, 29-anyos.

Inaresto naman at nahaharap sa reklamong alarm and scandal at paglabag sa curfew si Amy Nepacena, 33-anyos.

Ayon sa biktima, nasa bahay at kumakain siya sa Barangay San Miguel nang dumating ang suspek na lasing at doon na nagwala at nanakit.

Nakuhanan pa ng video si Nepacena habang ginugulo ang gamit sa bahay at pinag-aalis umano ang kordon ng kuryente.

Maging ang mga kagawad ng barangay at pulisya ay pinagmumura umano ni Nepacena.

Sa loob ng kulungan, itinanggi ni Nepacena ang paratang laban sa kaniya at sinabing wala siyang naaalala.

Gayunman, humingi siya ng paumanhin kung mayroon man daw siyang nagawang pagkakamali.

Desidido naman si Lofranco na kasuhan ang suspek dahil ilang beses na raw nitong ginawa ang panggulo at pananakit sa kaniya.--FRJ, GMA News