Naaagas na bangkay na nang matagpuan ang isang guro na ilang araw nang nawawala sa Kolambugan, Lanao del Norte. Ang biktima, nagtamo ng mga saksak sa katawan.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Arthur Flores, na noong Sabado pa nawawala.
Nagsumbong ang isang concerned citizen na may nangangamoy daw na bangkay sa Barangay Pantar.
Dahil dito, nagtungo ang mga awtoridad sa lugar kasama ang pamilya ni Flores.
Nakilala ng pamilya ang guro dahil sa mga naiwan niyang personal na gamit sa pinangyarihan ng krimen.
Anim na saksak sa katawan ang ikinamatay ni Flores, ayon sa mga awtoridad.
Tinitingnan ang anggulo ng pagnanakaw dahil sa nawawalang motorsiklo ng biktima.
Natukoy naman ng mga awtoridad ang suspek na si John Mark Niano, na sumuko at umamin sa krimen.--Jamil Santos/FRJ, GMA News