Isang lalaki ang nakaligtas sa unang pamamaril sa kaniya pero hindi tinantanan ng mga salarin dahil sinundan siya sa ospital at muling binaril habang ginagamot sa isang ospital sa Angono, Rizal.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Vincent Adia, 27-anyos, at may alyas na "Enteng Bungal."

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente pasado 11 a.m. ng Miyerkoles nang pasukin ng gunman ang emergency room ng Rizal Provincial Hospital System, Angono Annex at pinagbabaril ang biktima.

Bago nito, pinagbabaril din si Adia pasado 3 a.m. ng parehong araw nang hindi pa matukoy na gunman sa Mahabang Parang.

Nagpatay-patayan umano si Adia kaya nakaligtas, saka siya isinugod sa ospital ng mga dumaang taga-barangay.

Ayon pa sa ulat, nag-iwan pa ang gunman ng karton sa tabi ng biktima kung saan may mga nakasulat na "Pusher ako."

"Naibigay naman niya 'yung pangalan niya. Pero 'yung mga pangalan ng gumawa, ayaw niyang sabihin. Puro ungol lang ang sinasabi niya. Hindi siya makausap nang maayos," sabi ni Police Leiutenant Colonel Richard Corpus, Chief of Police ng Angono.

Bago magtanghali, binalikan si Adia ng gunman at pinagbabaril sa harap ng mga hospital staff at iba pang testigo.

Matapos nito, naglakad lamang ang gunman palabas ng ospital saka umalis.

Hindi pa hawak sa ngayon ng pulisya ang CCTV ng ospital. Hindi naman mapakinabangan ang mga CCTV ng nakakasakop na Barangay San Isidro dahil sinira ang mga ito ng bagyo.

Nakuha ang ilang basyo at slug sa crime scene, at kukunan din ng pahayag ng pulisya ang mga taga-ospital na nakakita sa pangyayari para sa pagsisiyasat.

Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig ng Rizal Medical Center Angono Annex pero tumanggi ito.

Natunton din ng GMA News ang tinitirahan ng biktima, pero tumangging humarap sa camera ang kaniyang ina at ibang mga kamag-anak.

"Malakas ang tiyansa na iisa lang ang gumawa noon dahil maaaring nu'ng dinala namin sa ospital sinundan na niya 'yung ambulansiya. Tapos nu'ng nandu'n 'yung mga pulis, hindi niya ma-execute, so siguro, nu'ng makaalis, du'n na niya in-execute 'yung pangalawang pamamaril sa biktima," ayon pa kay Corpus.--Jamil Santos/FRJ, GMA News