Huli sa entrapment operation ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division ang isang lalaki na nagplanong abusuhin ang isang 12-anyos na babae sa Nueva Ecija.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, naaresto ang suspek na si Randy Cordovez, 23-anyos, matapos niyang ayaing sumakay sa kaniyang motorsiklo ang dalagita na nakipagkita sa kaniya at plano sana niyang biktimahin.
Bukod sa cellphone, nakuha ng mga awtoridad sa suspek ang isang kumot na gagamitin umano ng suspek sa kaniyang masamang balak sa dalagita.
“Gagamitin niya [ang kumot] dahil dadalhin niya ‘yong bata, isasakay niya sa motorsiklo at dadalhin niya sa damuhan at gagawan niya ng kahalayan. Ang request daw noong kliyente is ma-video kasi ‘yong mga video nga niya ganoon ang nangyayari,” ayon kay Vic Lorenzo, NBI Cybercrime Division chief.
Modus daw ng suspek na magpanggap na babaeng dalagita sa Facebook at kakaibiganin ang kaniyang target. Kapag nakuha ang loob ng biktima, kakausapin niya ito at hihingan na ng nude picture at video na gagamitin na niyang pang-blackmail kinalaunan.
Ipinapasa rin daw ng suspek ang nude photo at video sa kanilang group chat at kliyente sa abroad.
“Ang nagpa-facilitate ng production ‘yong nandito. Ang nagdi-direct, ‘yong sa ibang bansa. Ang nagpo-provide ng ibang materials mga child pornography, local,” ani Lorenzo.
“More dangerous pa ‘pag ang sexual predators dito local kasi they will have the ability to physically meet up doon sa mga victim nila dito sa Pilipinas,” dagdag pa ng opisyal.
Inamin naman si Cordovez na gumawa siya ng pekeng Facebook account at nagpanggap na babae para kaibiganin ang kaniyang mga biktima.
“Mayroon po akong account na ginagamit na babae po. ‘Yong mga kinakaibigan ko po mga nakikita ko lang po sa Facebook. Kinakaibigan ko po sila, pagka-okay na po ‘yong loob nila sa akin, doon na po magkakaroon ng conversation,” ani Cordovez.
“Halimbawa, ‘ano ‘yong ginagawa mo ngayon?’ ‘Pag sumagot po ng naliligo, (sasabihin ko) ‘puwede ka bang mag-picture?’ mga ganoon po,” dagdag pa ng biktima.
Humingi siya ng patawad sa kaniyang mga nabiktima: “Sa mga biktima ko, humihingi po ako ng kapatawaran. Sa mga magulang po, pasensya na po at naagrabiyado ko po mga anak nila.”
Para naman kay NBI director Eric Distor, sisikapin ng ahensya na matunton ang recipients ng mga malalaswang videos abroad sa pamamagitan ng kanilang foreign counterparts.
"Sagad hanggang buto ang kasamaan ng taong ‘to… Hahanapin din natin at aalalayan ang iba pang mga naging batang biktima ng suspek para madagdagan ang kaso ng ating naaresto,” ani Distor.
Naharap si Cordovez sa kasong child abuse at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News