Kinagigiliwan ngayon ang isang Grade 12 student matapos siyang gumawa ng sariling bisikleta gamit lamang ang kahoy at scrap materials sa Sta. Maria, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA News “Balitang Amianan,” sinabing kagustuhan na talaga ni Jayvid Tuguinay ng Barangay San Alejandro na magkaroon ng sariling bisikleta.
Maliban sa wooden bike, mahilig ding gumawa si Jayvid ng mga laruang sasakyang gawa sa kahoy.
“Hindi po kasi ako makapag-ipon-ipon, makabili ng bike gawa po ng lockdown kaya naisipan ko na lang po na gumawa. And na-inspire po ako sa nakita ko sa Facebook na gumawa rin po ng bike na kahoy,” sabi ng mag-aaral.
Isang linggo ang pinaglaanan ni Jayvid ng oras sa paggawa ng bisikleta gamit ang pinagtagpi-tagping kahoy at scrap materials na galing sa junk shop.
Bata pa lamang daw siya, mahilig na niyang gumawa ng iba’t ibang kagamitang mula sa kahoy.
“Since po kasi noong bata siya talagang meron ’yung mga bagay-bagay na akalain mong hindi niya kaya, ’yun pala nakakayanan niyang ginagawa. Nu’ng gumawa siya, nakita ng teachers niya, meron ding parents na nagpagawa sa kaniya. ’Yun ’yung simula na merong mga bagay na gusto niyang gawin,” sabi ni Lourdes Tuguinay, nanay ni Jayvid.
“Kung wala po kayong ginagawa, kapag may naisip po kayo na gawin na mga bagay na alam niyong maganda at personal lang po and dapat po ’pag sinimulan niyo na ’yung gusto niyo, dapat po tapusin niyo,” sabi ni Jayvid. – Jamil Santos/RC, GMA News