Masuwerteng nakaligtas sa pananambang ng mga salaring nakamotorsiklo si San Antonio, Nueva Ecija Mayor Arvin Salonga.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang pananambang ibabaw ng tulay sa Jaen, Nueva Ecija kanina.
Sa kuha ng isang video, makikita ang sasakyan ni Salonga na humarurot at inunahan ang tricycle sa kaniyang harapan para takasan ang mga salaring nakamotorsiklo na humahabol sa kanila.
Pero nang makalampas na ang sasakyan ng alkalde sa tulay, hindi na humbol pa ang dalawang salarin at bumalik sa direksyon na kanilang pinanggalingan.
Walang tinamong sugat si Salonga pero nasugatan ang isa niyang body guard.
“Ngayon pauwi na tayo, sabi niya, tulay ng Jaen. Bigla na nga lang may mga nagpaputok nga ng baril. Hindi ko naman alam na ‘yung sasakyan na pala natin ang binabaril,” ayon kay Salonga.
“May nakita akong mga sumusunod kaya ang tendency inanuhan ko, binilisan natin,” patuloy niya.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, may nakitang 12 basyo ng bala sa pinangyarihan ng pamamaril.
Sa kabila ng nangyari, naniniwala si Salonga na hindi konektado sa pulitika ang pananambang sa kaniya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga salarin.
“Nagkakalap pa tayo ng mga ibang eye witnesses na puwede nating makuhang witness. Tinututukan nammin nang hindi, wala nang mangyaring ganito,”ayon kay Police Colonel Marvin Joe Saro, NEPPO provincial director. --FRJ, GMA News