Patuloy ang pagtaas ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa probinsya ng Quezon at isa sa mga nag-positibo ay si Mauban Mayor Marita Llamas.
Ayon sa opisyal na pahayag ni Llamas, wala raw dapat ikabahala ang kanyang mga kababayan dahil nasa maayos na kondisyon siya at walang anumang sintomas na nararamdaman. Kasalukuyan daw siyang nasa home-quarantine.
Ang bayan ng Mauban ay isa mga bayan sa lalawigan ng Quezon na may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19. Karamihan sa mga tinamaan ay kawani ng pamahalaang lokal.
Sa huling tala ng Integrated Provincial Health Office ng Quezon ay 91 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Mauban at 54 ang gumaling na. Wala namang naiulat na nasawi sa bayan.
Sa buong probinsya ng Quezon ay umabot na sa 847 ang confirmed cases, 460 ang naka recover at 25 ang mga nasawi.
Ang bayan ng Candelaria ang may pinakamataas na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 na umabot sa 66, pangalawa ang Lucena City 56, pangatlo ang Calauag 43 at Mauban 37. —LBG, GMA News