LANAO DEL NORTE - Dumarami na ang local transmission ng COVID-19 sa lalawigan ng Lanao del Norte.
Nitong Huwebes, Agosto 20, nakapagtala ang probinsiya ng 242 kumpirmadong kaso ng COVID-19, ayon sa datos na ibinahagi ng pamahalaang panlalawigan.
Ang aktibong kaso ay umabot sa 124 samantalang ang local transmission cases ay 43 na.
Ang mga gumaling naman ay 116 na habang dalawa ang namatay. Ang mga probable cases ay 57 samantalang 22 ang mga suspect cases.
Dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19, isinailalim ang bayan ng Matungao sa lockdown mula 12:01 a.m. ng Agosto 15 hanggang 11:59 p.m. ng Agosto 29, batay sa Executive Order No. 25 na nilagdaan ni Lanao del Norte Governor Imelda Dimaporo.
Ito ay para mapigilan ang pagkalat ng virus sa mga karatig na munisipyo.
Nitong Agosto 6, isang empleyado ng munisipyo ng Matungao ang nakumpirmang positibo sa COVID-19 matapos magpa-swab test. Ipinatupad kasi ang mandatory swab testing sa mga nagtatrabaho sa munisipyo at sa mga frontliners sa bawat munisipyo.
Umakyat agad ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Matungao sa 17 matapos nito. Sampu rito ang local transmission—mga nakasalamuha ng empleyadong nagpositibo sa COVID-19 noong Agosto 6. Anim naman ang mga locally stranded individuals (LSI) na galing sa labas ng Lanao del Norte.
Pinaigting na ang contact tracing sa munisipyo.
Nanawagan naman ang pamahalaang panlalawigan sa mga residente ng Matungao na sundin ang mga panuntunan ng lockdown.
Nitong Agosto 20, ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Matungao ay 19 na. Labing-tatlo dito ay local transmission habang anim ang mga LSI.
Sa 19 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Matungao, 14 ang aktibo at lima naman ang gumaling na. —KG, GMA News