Nagtamo ng tatlong saksak sa katawan ang isang tricycle driver matapos na makaaway ang kapwa niya driver dahil umano sa agawan ng pasahero sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Carlos Serano III, na dinala sa ospital at ligtas na ang kalagayan.

Sa kuha ng CCTV sa Barangay Bonificio, makikita si Serano na may hawak ng kahoy at hinabol ang suspek na sinasabing armado naman ng gunting, ayon sa isang saksi.

Pero sa halip na tumakbo nang tuluyan, sinalubong ng suspek si Serano at doon na siya inundayan ng mga saksak.

Hahabulin pa sana muli ni Serano ang suspek na tumakas pero napatigil siya at napahawak sa katawan dahil na rin sa tinamo niyang sugat.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na salarin at sinampahan na rin ng kaukulang reklamo.--FRJ, GMA News.