Ibang klaseng "distance learning" ang handog ng isang grupo para sa mga kabataang apektado ng COVID-19 sa Alburquerque, Bohol: ang tawag nila dito ay "kariton learning."

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita na matiyagang tinutulak ng isang grupo ng  mga binatilyo at dalagita ang isang kariton ng mahigit isang kilometro para makapunta sa mataas na bahagi ng Sitio Pandan.

Hindi naman alintana sa kanila ang layo para maturuan ang mga bata.

Ginugrupo nila ang mga bata base sa grade level o antas para turuan sila ng pagbabasa, pagsusulat, pagbilang at proper handwashing.

Sinasamahan din nila ito ng story-telling at exercise.

Sinisiguro rin ng grupo na naka-face mask ang mga bata at naka-physical distancing para sa safety protocols.

Mahigit 80 bata na aniya ang natuturuan ng grupo ng mga kabataan. -Jamil Santos/MDM, GMA News